Ang negro ay pirming nakahawak sa mga renda ng kanyang apat na 
kabayo, ang montador ay pumasad-pasad sa ilalim sa nakatali nitong 
kadena,
Ang negro na nangungutssero sa mahabang kariton ng mga batong 
pambakuran, pirmi at matangkad matatag siyang nakatindig sa isang paa 
sa baskagan,
Ang kanyang bughaw na kamiseta ay naglalantad ng malapad niyang leeg 
at dibdib at lumuluwag sa ibabaw ng kanyang bigkis,
Ang kanyang sulyap ay panatag at makapangyarihan, inihagis niya ang 
nakadahilig na paldiyas ng kanyang sumbrero palayo sa kanyang noo,
Ang araw ay tumatama sa kanyang malutong na buhok at bigote, 
tumatama sa itim ng kanyang makintab at wagas na biyas.

Aking pinagmamasdan ang maringal na higante at iniibig siya, at hindi 
ako humihinto roon,
Ako ay nagpapatuloy rin sa pangkat.

Nasa akin ang kumakarinyo ng buhay kung saan man tumutungo, 
patalikod maging pasulong na umuugoy,
Sa mga nitso sa isang tabi at batang humuhukod, walang tao o bagay na 
nawawala,
Nagpapadumog sa lahat ng ito at para rito sa awit.

Mga bakang kinakalampag ang singkaw at kadena o humihinto sa 
madahong lilim, ano iyang ipinapahiwatig ng inyong mga mata?
Para bang higit pa ito sa lahat ng mga nalimbag na nabasa ko na sa buhay 
ko.

Ang aking pagyapak ay nagpapagulat sa humahapong patong lalaki at 
patong babae sa aking malayo at maghapong paggagala,
Sabay-sabay silang tumitindig, marahan silang lumiligid.

Ako ay nananalig sa mga bagwisang layunin na iyon,
At kinikilala ang pula, dilaw, puti, naglalaro sa loob ko,
At isinasaalang-alang ang sinasadyang berde at lila at ang may-borlas na 
korona,
At hindi tinatawag na kahiya-hiya ang pawikan dahil hindi siya ibang 
lalang,
At hindi sinadyang pag-aralan ng ibong dyey sa kakahuyan ang gamut, 
gayunman magandang humuhuni para sa akin,
At ang tingin ng kayumangging inahing kabayo ay nanghihiya sa 
kahangalan ko.