Ako ay nakarinig na ng usapan ng mga nag-uusap, ang pangungusap ng 
simula at ng katapusan,
Ngunit hindi ako nangusap ng simula o ng katapusan.

Hindi kailanman nagkaroon ng anumang higit pang pasimula kaysa sa 
mayroon ngayon,
O anumang higit pang kabataan o gulang kaysa sa mayroon ngayon,
At hindi kailanman magkakaroon ng anumang higit pang kasakdalan 
kaysa sa mayroon ngayon,
O anumang higit pang langit o impiyerno kaysa sa mayroon ngayon.

Simbuyo at simbuyo at simbuyo,
Laging ang simbuyong maglahi ng mundo.
Mula sa kadiliman katapat katumbas ay agap, laging kalamnan at 
pagdami, laging pagtatalik,
Laging isang habi ng pagkakakilanlan, laging katangian, laging isang lahi 
ng buhay.

Ang maglinaw ay walang katuturan, ang marunong at hangal ay ganoon 
ang pakiramdam.

Kasinsigurado ng pinakatiyak na sigurado, pahulog na patindig, mainam 
na napastahan, nasuhayan sa mga biga,
Kasintipuno ng isang kabayo, karinyoso, maangas, nakapagpapakilig,
Ako at itong hiwaga ay nakatindig ngayon dito.

Hayag at kaaya-aya ang aking kaluluwa, at hayag at kaaya-aya ang lahat 
ng hindi ko kaluluwa.

Kulang sa isa kulang sa dalawa, at ang di-nakikita ay napapatibayan ng 
nakikita,
Hanggang sa iyon ay maging di-nakikita at magtamo naman ng patibay.
Ipakita ang pinakamahusay at ihiwalay ito sa pinakadaot edad na yamot 
sa edad,
Malaman ang hustong kaangkupan at katiningan ng mga bagay, habang 
sila ay nagtatalakayan ako ay tahimik, at naliligo at hinahangaan ang 
aking sarili.

Tanggap na tanggap ang bawat bahagi at katangian ng ako, at ng 
sinumang magiliw at malinis,
Walang isang pulgada ni kapurit ng isang pulgada ang marumi, at walang 
magiging hindi gaanong pamilyar kaysa sa iba.

Ako ay kontento — ako ay nakakakita, nakakasayaw, nakahahalakhak, 
nakaaawit:
Habang ang mayapos at mapagmahal na kasama-sa-kama ay natutulog sa 
aking tabi sa buong gabi, at lumilisan pagsilip ng araw na may pasubuk-
subok na yapak,
Nag-iwan ng mga basket na may takip na puting tuwalya para sa akin 
pinapipintog ang bahay ng kanilang kasaganaan,
Ipagpapaliban ko ba ang aking pagtanggap at pagkaunawa at humiyaw sa 
aking mga mata,
Na sila ay bumaling mula sa pagtitig pagkatapos at pababa ng kalsada,
At kagyat na kalkulahin at ipakita sa akin ultimo sentimos,
Hustong-husto sa halaga ng isa at hustong-husto sa halaga ng dalawa, at 
kung saan ay mas nauuna?