Ang mga bahay at silid ay puno ng pabango, ang mga istante ay puro 
pabango,
Ako mismo ang lumanghap ng pabango at batid ito at ibig ito,
Ang distilasyon ay magtatangkang ako ay lasingin, ngunit hindi ko 
mapapahintulutan ito.

Ang himpapawid ay hindi isang pabango, wala itong lasa ng distilasyon, 
ito ay walang amoy,
Ito ay para sa aking bibig habambuhay, umiibig ako rito,
Ako ay pupunta sa sabal sa kakahuyan at huhubarin ang balatkayo at 
baro,
Ako ay hibang na mapalapit ito sa akin.
Ang usok ng sarili kong hininga,
Umaalingawngaw, umaalimbukay, humuhugong na mga bulong, 
lebistiko, seda, puklo at baging,
Aking paghinga at musa, ang tibok ng aking puso, ang daloy ng dugo at 
hangin sa aking mga baga,
Ang aso ng mga luntiang dahon at mga tuyong dahon, at ng aplaya at ng 
mga itim na batong dagat, at ng dayami sa kamalig,
Ang tunog ng mga dinighay na salita ng aking tinig na umalpas sa mga 
alimpuyo ng hangin,
Ilang magagaan na halik, ilang mga yakap, isang bukluran ng mga bisig,
Ang laro ng luningning at lilim sa mga puno habang ang malalambot na 
sanga ay kumukunday,
Ang kaluguran na lamang o sa dagsa ng mga kalye, o sa gawi ng mga 
bukid at libis,
Ang pakiramdam ng kalusugan, ang huni sa katanghalian, ang awit kong 
bumabangon mula sa higaan at sumasalubong sa araw.

Nakapagtuos ka na ba ng isang libong ektaryang lawak? Nakapagtuos ka 
na ba ng isang mundong lawak?
Nakapagsanay ka na ba nang matagal para matutong magbasa?
Nakaramdam ka na ba ng kadakilaan matapos matalos ang kahulugan ng 
mga tula?

Hadlangan natin ang araw at gabi at iyong makakamit ang pinagmulan ng 
lahat ng tula,
Iyong makakamit ang kabutihan ng mundo at araw, (may milyon-milyong 
mga araw pang natitira,)
Ikaw ay hindi na kailangang tumingin sa mga bagay nang segunda o de 
tersera mano, o tumingin sa pamamagitan ng mga mata ng yumao, o 
susuhin ang mga multo sa mga libro,
Ikaw ay hindi na titingin maging sa pamamagitan ng aking mga mata, o 
kukuha ng mga bagay na mula sa akin,
Ikaw ay makikinig sa lahat ng panig at sasalain sila sa kaibuturan ng iyong 
sarili.