Ang mga mahilig man-trip at mang-usisa ay nakapalibot sa akin, Ang mga taong nakilala ko,ang epekto sa akin sa aking kamusmusa o sa purok at lungsod kung saan ako nakatira,o sa bayan, Ang mga pinakahuling petsa,tuklas,imbensyon,lipunan,may-akdang luma at bago, Ang aking hapunan,damit,mga kasalamuha,mga hitsura,mga papuri,mga butaw, Ang tunay o pinekeng kalamigan ng loob ng sinumang lalaki o babaeng aking iniibig, Ang sakit ng isa sa aking mga kamag-anak o ng aking sarili,o masamang gawa o kawalan o kakulangan ng pera,o mga panlulumo o mga pagdakila, Mga sagupaan,ang hilakbot ng digmaan ng magpapamilya,ang kasikatan ng kahinahinalang balita,ang mga balisang pangyayari; Ang mga ito ay dumarating sa akin umaga at gabi at muling lumilisan sa akin, Ngunit hindi sila ang Ako na ako mismo. Bukod sa paghila at paghatak nakatayo ang ako, Nakatayo at nalibang,kampante,nahahabag,tigagal,tangi, Nakatungo,nakatirik, o nakatupi ang isang braso sa isang di-nasasalat na tiyak na hinto, Nakatingin nang nakahilig sa gilid ang ulo mausisa kung ano ang susunod na mangyayari, Kapwa sa loob at labas ng laro at nanunuod at nagtataka rito. Pabaligtad kong nakikita ang aking mga araw kung saan pinagpawisan ako sa mga lingguwista at kalaban, Wala akong mga pang-uyam o pagsalansang,ako ay sumasaksi at naghihintay.