Ang tunay na contralto ay umaawit sa organ loft,

Ang karpintero ay naggagayak ng tabla, ang dila ng kanyang katam ay 
sinisipol ang mailap na birit ng pagkabulol,

Ang mga may asawa at walang asawang anak ay nagbibiyahe pauwi sa 
kanilang hapunan para sa Thanksgiving,

Ang piloto ay sumusunggab sa king-pin, nagpapagiwang siya gamit ang 
malakas na bisig,

Ang katoto ay nakatayong nakasuhay sa balyenang barko, ang sibat at 
salapang ay nakahanda,

Ang mamamaril ng pato ay naglalakad nang tahimik at maingat ang pag-
unat,

Ang mga diyakono ay naordenan ng mga pakurus na kamay sa altar,

Ang paikot-ikot na dalagita ay umurong at sumulong sa hugong ng 
malaking gulong,

Ang magbubukid ay humimpil sa mga baras sa kanyang paglalakad sa 
Unang-araw na paglalagalag at tumatanaw sa mga abina at senteno,

Ang buang ay binibitbit na sa wakas sa ospital ng mga baliw bilang isang 
kumpirmadong kaso,

(Hindi na siya matutulog muli tulad ng ginawa niya sa kama sa kuwarto 
ng kanyang ina;)

Ang jour printer na may kulay-abong tuktok at yayat na panga ay 
nakatutok sa kanyang kaso,

Pinapaikot niya ang kanyang mascada de tabaco habang lumalabo ang 
kanyang mga mata dahil sa manuskrito;

Ang mga pingkaw na biyas ay nakatali sa mesa ng siruhano,

Ang bahaging pinutol ay nakapangingilabot na nahulog sa isang balde;

Ang quadroon na dalagita ay ipinagbili sa subastahan, ang lasenggo ay 
tumatango mula sa dapugan ng bahay inuman,

Ang mekaniko ay naglililis ng kanyang manggas, ang pulis ay 
gumagaygay sa kanyang beat, ang bantay ay nagtatala ng mga dumaraan,

Ang binata ay nagmamaneho ng express-wagon, (Mahal ko siya, gayong 
hindi ko siya kilala;)

Ang half-breed ay nagsisintas ng kanyang magaan na sapatos para sumali 
sa karera,

Ang kanluraning barilan ng pabo ay nakakapanghikayat ng matanda at 
bata, ang ilan ay nakasandal sa kani-kanilang riple, ang ilan ay nakaupo sa 
mga troso, 

Mula sa lugar ng mga umpukan lumitaw ang mahusay na manunudla, 
pumorma, umasinta;

Ang mga grupo ng mga bagong-dating na imigrante ay nakakalat sa 
pantalan o kanal,

Habang ang mga kulot ay nag-aasarol sa tubuhan, ang katiwala ay 
nakatanaw sa kanila mula sa kanyang sintadera,

Ang trumpeta ay nananawag na sa sayawan, ang mga ginoo ay 
naghagilap ng kani-kanilang kapareha, ang mga mananayaw ay yumukod 
sa isa’t isa,

Ang kabataan ay nakahiga at gising sa kisameng yari sa sedar at nakikinig 
sa musika ng ulan,

Ang Wolverine ay naglalagay ng mga patibong sa sapa na tumulong para 
punuin ang Huron,

Ang squaw na nakabalabal ng telang may dilaw na lilip ay nag-aalok ng 
moccasins at bead bags para ibenta,

Ang connoisseur ay pasulyap-sulyap sa exhibition gallery na may mga 
matang medyo nakapikit at binaling sa gilid,

Habang ang mga marino sa kubyerta ay nagpapatulin sa bapor ang 
andamyo ay inihagis para sa mga pumasa-baybay na pasahero,

Ang nakababatang kapatid na babae ay tangan ang madeha habang ang 
nakatatandang kapatid na babae ay iniikid ito sa isang bola, at humihinto 
paminsan-minsan kapag may mga buhol,

Ang isang taon nang maybahay ay bumabawi na ng lakas at masaya dahil 
isinilang nang nakaraang linggo ang kanyang panganay,

Ang dalagitang Yankee na may malinis na buhok ay nagtatrabaho sa harap 
ng kanyang makinang panahian o sa loob ng pabrika o kabyawan,

Ang kaminero ay sumandal sa kanyang barenang may dalawang 
hawakan, ang pamatnubay ng reporter ay humagibis sa ibabaw ng 
kanyang kuwaderno, ang rotulista ay nagtititik sa bughaw at bulawan,

Ang batang canal ay patakbo-takbo sa hatakan ng lubid, ang kontador ay 
nagbibilang sa kanyang mesa, ang sapatero ay nagpapagkit ng kanyang 
sinulid,

Ang tagakumpas ay tumitiyempo para sa banda at lahat ng mga musikero 
ay sumusunod sa kanya,

Ang bata ay bininyagan, ang nagbalik-loob ay nagbibigay ng kanyang 
paunang pamamahayag,

Ang regatta ay nakakalat sa lawa, nagsimula na ang karera, (kumikislap 
ang mga puting layag!)

Ang tagapagbili ng baka ay nanunuod habang ang kawan ng mga baka ay 
umaawit sa mga naligaw,

Ang maglalako ay pinagpapawisan dahil sa supot sa kanyang likod, (ang 
mamimili ay tumatawad sa walang kabiyak na sentimos;)

Ang babaeng bagong kasal ay nag-uunat ng kanyang puting damit, ang 
kamay ng minuto sa orasan ay dahan-dahang lumalakad,

Ang kumokunsumo ng opyo ay nakasandal na maganit ang ulo at 
bahagyang bukas ang mga labi,

Ang puta ay nasa putikan at kinakaladkad ang 
kanyang alampay, ang kanyang bonnet ay taas-baba sa kanyang bahagyang lango at tagihawating 
leeg,

Ang umpukan ay nagsisitawa sa kanyang mga tungayaw na panunumpa, 
ang kalalakihan ay nanunuya at nagsisipagkindatan, (Miserable! Hindi ko 
pinagtatawanan ang mga panunumpa ninyo ni ang tuyain kayo;)

Ang Pangulong nagdaraos ng isang konseho ng gabinete ay napalilibutan 
ng kanyang mga dakilang Sekretaryo,

Sa piazza naglalakad ang tatlong matrona marangal at magiliw at 
magkakapit-bisig,

Ang tripulante ng sampal-isdang pulutong ay paulit-ulit na sinuson-suson 
ang mga halibut sa imbakan,

Ang Missourian ay tumatawid sa lambak dala ang kanyang mga kalakal at 
baka,

Ang konduktor ay nanunuyod ng tren at inaanunsiyo niya ito sa 
pagkalansing ng mga barya,

Ang mga karpintero ay naglalatag ng sahig, ang mga latero ay nagkakabit 
ng yero sa bubong, ang mga mason ay humihingi ng palitada,

Sa isang hanay bawat isa ay pasan ang kanyang sisidlan ng semento na 
pinapasa papunta sa mga manggagawa;

Mga panahong nagsisisunuran ang di-maipaliwanag na umpukan ay 
nagtipon, ikaapat na araw ng Ikapitong buwan, (anong mga pagpupugay 
ng kanyon at riple!)

Mga panahong nagsisisunuran ang mag-aararo ay nag-aararo, ang 
manggagapas ay gumagapas, at ang winter grain ay nahuhulog sa lupa;

Mula sa mga lawa ang pike fisher ay nanonood at naghihintay mula sa 
butas ng nagyelong rabaw,

Ang mga tuod ay palapad na nakatindig sa paligid ng kaingin, ang 
sampid ay mabalasik na naninibak gamit ang kanyang palakol,

Ang mga marino ng gabara ay sumilong pagtakipsilim malapit sa cotton-
wood o punong pecan,

Ang mga coon seeker ay tumahak sa mga pook ng Red river o sa iba’t 
ibang dakong sinaid ng Tennessee, o sa iba’t ibang dako ng Arkansas,

Ang mga sulo ay nagliwanag sa dilim na nanatili sa Chattahooche o 
Altamahaw,

Ang mga patriarka ay naghahapunan katabi ng kanilang mga anak na 
lalaki at mga apong lalaki at mga apo sa tuhod na lalaki,

Sa mga pader na adobe, sa mga toldang lona, nagpapahinga ang mga 
mamamaril at mamimitag pagkatapos ng buong araw nilang paglilibang,

Ang lungsod ay natutulog at ang bayan ay natutulog,

Ang mga buhay ay natutulog sa kanilang takdang oras, ang mga patay ay 
natutulog sa kanilang takdang oras,

Ang matandang bana ay natutulog katabi ng kanyang maybahay at ang 
batang bana ay natutulog katabi ng kanyang maybahay;

At ang mga ito ay humihilig paloob sa akin, at ako naman ay humihilig 
palabas sa kanila,

At tulad ng dapat mangyari sa mga itong humigit-kumulang ay ako,

At mula sa bawa’t isa sa mga ito hinahabi ko ang awit ng aking sarili.